I-skip tungo sa nilalaman

33.2 - Makakamit Pa Kaya Natin ang Tunay na Katarungan?

Song #157 — Kapayapaang Hindi Magwawakas (Awit 29:11)

April 26, 2026 (Sunday) · 355 Gage Ave, Kitchener, ON N2M 5E1

Paalaala sa Tagapagsalita

Taglay ang simpatiya, kumbinsihin ang mga biktima ng kawalang-katarungan na hindi solusyon ang paghihimagsik. Sabihin ang pangako ng Bibliya na sa hinaharap, wawakasan ang kawalang-katarungan. Magbigay rin ng praktikal na mga mungkahi kung paano haharapin ang kawalang-katarungan ngayon. Puwede mong gamitin ang artwork na kasama ng outline na ito para ilarawan ang mga punto.


INTRO

Marami sa atin ang nakaranas na ng kawalang-katarungan.

Baka sa trabaho — pinagmalabisan ka ng boss mo kahit wala kang kasalanan.

Baka sa pamilya — hindi ka pinakinggan, hindi ka pinanigan.

Baka sa komunidad — tinanggihan ka dahil lang sa kung sino ka.

At alam natin kung gaano kasakit 'yon. Yung pakiramdam na... walang kumakampi sa iyo.

Kaya ngayong umaga, sasagutin natin ang tanong na ito: Makakamit pa kaya natin ang tunay na katarungan?

Simulan natin sa realidad: Nabubuhay tayo sa isang mundo na punô ng kawalang-katarungan.


1 — Nabubuhay tayo sa isang mundo na punô ng kawalang-katarungan [3 minuto]

Matagal nang nararanasan ng tao ang kawalang-katarungan.

Hindi ito bago. Matagal na itong problema ng sangkatauhan.

At may isang tao sa Bibliya na lubos na nakaunawa nito — si Haring Solomon. Bilang hari, nakita niya mismo ang kawalang-katarungan sa paligid niya. Hindi siya bulag sa nangyayari sa kaniyang bayan.

Buksan po natin ang Eclesiastes kabanata 4, bersikulo 1. Pansinin kung ano ang naobserbahan ni Solomon.

[Basahin ang Eclesiastes 4:1]

Eclesiastes 4:1

"Binigyang-pansin ko ulit ang lahat ng pagpapahirap na patuloy na nangyayari sa ilalim ng araw. Nakita ko ang mga luha ng mga pinahihirapan, at walang dumadamay sa kanila. May kapangyarihan ang mga nagpapahirap sa kanila, at walang dumadamay sa kanila."

Napansin n'yo ba? Dalawang beses sinabing "walang dumadamay sa kanila." Hindi isang beses — dalawang beses. Para bang sinasabi ni Solomon: "Ito ang pinakamasakit na bahagi — hindi lang sila pinahihirapan, kundi wala pa man lang kumakampi."

At gayon din sa panahon natin. Nagpapatuloy pa rin ang kawalang-katarungan, pagtatangi, pag-abuso, at pang-aapi sa ating panahon. Gaya ng sinabi sa Eclesiastes 8:9, "sa panahong ang tao ay namamahala sa kapuwa niya sa ikapipinsala nito."

Kung biktima ka ng kawalang-katarungan, tiyak na gusto mo ng tulong at kaaliwan.

Kung naranasan mo na ang masaktan nang walang dahilan... kung napagmalabisan ka nang hindi mo kasalanan... naiintindihan namin 'yan. Gusto mong may kumilos. Gusto mong may gumawa ng paraan para magkaroon ng hustisya.

Pero ano nga ba ang ginagawa ng mga tao para labanan ang kawalang-katarungan? Paghihimagsik. Pero ang tanong: Paghihimagsik ba ang sagot?


2 — Paghihimagsik ba ang sagot? [4 minuto]

Natural lang na humingi ng tulong kapag inaapi ka.

Gaya ng sinabi sa Job 35:9, "Dumaraing ang mga tao kapag inaapi sila; humihingi sila ng tulong dahil sa panggigipit ng mga makapangyarihan."

Walang masama doon. Natural 'yan.

At dahil dito, para mabawasan ang kawalang-katarungan, ang ilan ay naghihimagsik.

IMAGE 1

Ngayon naman po, tingnan natin ang larawan.

Mga tao na nagpoprotesta

Ano po ba ang nakikita natin dito, mga kapatid at mga kaibigan? Mga taong nagpoprotesta. Nagmamartsa. Galit. Naghahanap ng pagbabago.

Naiintindihan natin kung bakit. Sawa na sila. Pagod na sila sa kawalang-katarungan.

Ano ba ang ginawa ng ilan? Base sa referensya natin, sa Chicago, nagkaroon ng rent riots — lumaban ang mga mahihirap dahil hindi na nila kaya ang renta. Sa Montgomery, Alabama, nag-boycott ng bus ang mga tao dahil sa kawalan ng hustisya.

May naisagawa ba sila? Oo. Natulungan ang mahihirap. Nabago ang ilang batas. Pero ano ang nangyari pagkatapos? Pagkaraan ng ilang panahon — panibagong problema na naman.

Salamat po sa picture.

Ano po ang natutuhan natin dito?

Hindi ang paghihimagsik ang solusyon sa kawalang-katarungan.

Gaya ng sinabi sa Eclesiastes 1:15, "Ang baluktot ay hindi maitutuwid."

Ano ang ibig sabihin nito? Sira ang sistema mismo — the system itself is broken. Puwede mong ayusin ang isang problema ngayon — pero bukas, may lalabas na bago. Bakit? Dahil ang ugat ng problema ay hindi nabago.

At ano ang ugat? Ano po ba ang root cause ng problema? May kawalang-katarungan dahil hindi sinusunod ng tao ang matuwid na mga daan ng Diyos. Hindi lang ito tungkol sa masasamang lider o maling batas. Ang problema — ang tao mismo. Hindi siya dinisenyo na mamuno nang mag-isa — not designed to rule on his own.

Kaya ba ng tao na solusyonan ito mag-isa? Hindi. Mabibigo ang mga pagsisikap ng tao na magkaroon ng tunay na katarungan kung walang tulong ng Diyos. Bakit masasabi natin 'yan? Dahil gaya ng sinabi sa Jeremias 10:23, "Hindi para sa taong lumalakad ang ituwid man lang ang sarili niyang hakbang."

Kahit gaano pa kaganda ang intensyon — kung wala ang Diyos, hindi magtatagumpay.

Kung hindi dinisenyo ang tao na mamahala sa sarili niya... sino ang may karapatan at kakayahang mamuno? Ang Diyos. Pero paano? Ano ang solusyon ng Diyos sa kawalang-katarungan?


3 — Ano ang solusyon ng Diyos sa kawalang-katarungan? [12 minuto]

Mga kapatid at mga kaibigan, kung may dala-dala kayong bigat sa dibdib ngayong umaga — dahil nasaktan kayo, dahil naranasan n'yo ang di-makatarungan, o dahil may taong nanakit sa inyo na parang walang nangyari — ito po ang bahaging para sa inyo.

Hindi kayo nakalimutan ni Jehova.

Ang Diyos ay nagtatag ng isang Kaharian sa langit na magdadala ng tunay na katarungan.

Ano ba ang Kaharian ng Diyos? Ito ay gobyerno — gobyerno ng Diyos. Tulad ng ibang gobyerno, may tagapamahala — si Jesu-Kristo. May mga kasama siyang mamamahala mula sa iba't ibang bansa. At may mga sakop — lahat ng gumagawa ng kalooban ng Diyos.

Ayon sa Daniel 7:13, 14, itinayo ng Diyos ang gobyernong ito sa langit — at malapit nang palitan ng Kaharian ang mga pamahalaan ng tao at mamamahala ito sa buong lupa.

Isipin n'yo 'yon. Isang gobyerno na hindi mababago ng eleksyon. Hindi mawawala kahit magpalit ng administrasyon. At hindi kailanman mabibigo.

Sino ba ang ayaw ng ganyang gobyerno?

Pero sino ang mamumuno?

Si Jesu-Kristo ang Tagapamahala ng Kaharian ng Diyos; ang pamamahala niya ay magdadala ng "katarungan at katuwiran."

Buksan po natin ang Isaias kabanata 9, bersikulo 6 at 7. Sa tekstong ito, sinasabi ni Jehova kung anong klase ng lider ang ipapadala niya — at bakit siya ang tamang mamuno.

[Basahin ang Isaias 9:6, 7]

Isaias 9:6, 7

"Dahil isang bata ang ipinanganak sa atin, Isang anak na lalaki ang ibinigay sa atin; At ang pamamahala ay iaatang sa balikat niya. Siya ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglawak ng pamamahala niya At ang kapayapaan ay hindi magwawakas Sa trono ni David at sa kaniyang kaharian Para itatag ito nang matibay at panatilihin Sa pamamagitan ng katarungan at katuwiran, Ngayon at magpakailanman. Mangyayari ito dahil sa sigasig ni Jehova ng mga hukbo."

Parang nagpapakilala si Jehova ng isang lider, hindi ba? Tulad ng kapag may bagong speaker — sinasabi muna ang credentials niya. Tingnan natin ang credentials ni Kristo:

"Kamangha-manghang Tagapayo" — marunong siya mamuno. Hindi siya gagawa ng maling desisyon. "Makapangyarihang Diyos" — binigyan siya ni Jehova ng kapangyarihang gawin ang katarungan. "Walang-Hanggang Ama" — minamahal niya ang mga sakop niya gaya ng isang ama sa kaniyang mga anak. "Prinsipe ng Kapayapaan" — ang dala niya ay kapayapaan, hindi giyera.

At ang pundasyon ng lahat? "Katarungan at katuwiran." Hindi lang niya ipinangako — gagawin niya talaga. At "ngayon at magpakailanman" — walang expiration.

Para ilarawan: Isipin n'yo — nagtatrabaho ka nang tapat. Araw-araw, ginagawa mo ang tama. Pero ang katrabaho mo na laging late, laging absent — siya ang napromote. Bakit? Dahil kakilala siya ng boss. Masakit, hindi ba? At wala kang magawa.

Pero isipin n'yo kung ang boss mo ay tulad ni Kristo — "Kamangha-manghang Tagapayo" — hindi siya magpapaboritismo. "Makapangyarihang Diyos" — kaya niyang ayusin ang sistema. At "Prinsipe ng Kapayapaan" — ang goal niya, kapayapaan para sa lahat.

Iyon ang klase ng pamamahala na sinasabi sa Isaias 9:6, 7. Gaya ng sinabi sa Isaias 32:1, "Isang hari ang mamumuno para sa katuwiran, at may mga prinsipeng mamamahala para sa katarungan."

Kaya ano ang ibig sabihin nito para sa atin? Kung nasaktan ka ng sistema ng tao — may darating na gobyerno na hindi ka bibiguin. At hindi ito mawawala — "ngayon at magpakailanman."


Napakalaking pangako, hindi ba? Pero hindi lang siya nangako.

Noong ministeryo ni Jesus sa lupa, hindi niya itinaguyod ang katarungan sa pamamagitan ng mga reporma sa lipunan o politika; itinuro niya sa kaniyang mga tagasunod na manampalataya sa Kaharian.

Hindi siya naging aktibista. Hindi siya namuno ng rebolusyon. Ano ang ginawa niya? Nangangaral siya ng mabuting balita ng Kaharian. At itinuro niya sa kaniyang mga tagasunod na manampalataya sa Kaharian.

Paano? Sa pamamagitan ng panalangin. Pakinggan natin kung ano ang itinuro niya.

[Basahin ang Mateo 6:9, 10]

Mateo 6:9, 10

"Manalangin kayo sa ganitong paraan: 'Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang Kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayon din sa lupa.'"

Isipin n'yo ang ibig sabihin nito. Sa langit — walang kawalang-katarungan. Walang pang-aapi. Walang luha. At ipinanalangin natin na ang ganyang realidad — mangyari din dito sa lupa.

Hindi 'yan basta panalangin lang. Iyon ay pangako. Darating ang araw na kung ano ang nangyayari sa langit — ganoon din ang mangyayari dito.

At makikita sa mga ginawa niyang himala kung ano ang gagawin niya bilang Hari ng Kaharian ng Diyos.

May isang pagkakataon — limang tinapay at dalawang isda lang ang mayroon. Pero pinakain niya ang 5,000 lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata. Lahat nabusog — at 12 basket pa ang natira.

Sa isa namang pagkakataon, may bulag na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig niyang dumadaan si Jesus, sumigaw siya: "Anak ni David, maawa ka sa akin!" Sinasaway siya ng mga tao — pero lalo lang niyang isinigaw. Huminto si Jesus. Tinanong siya: "Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?" "Panginoon, gusto kong makakita uli." At agad siyang nakakita.

Preview 'yan — sample ng kung ano ang gagawin ng Kaharian. Walang magugutom. Walang magkakasakit. Walang maiiwan.


Kapag namamahala na ang Kaharian, mawawala na ang kawalang-katarungan, pagtatangi, pag-abuso, at pang-aapi.

Para sa mga nasaktan... ito ang pangako ng Diyos sa inyo. Sinabi sa Awit 72:12-14 tungkol sa Hari ng Kaharian: "Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong... Sasagipin niya sila mula sa pang-aapi at karahasan, at magiging mahalaga sa paningin niya ang dugo nila."

Kung naramdaman mong walang kwenta ka... hindi ganoon ang tingin ni Jehova sa iyo. Mahalaga ka sa kaniya.

IMAGE 2

Ngayon naman po, tingnan natin ang isa pang larawan.

Buhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos

Ano po ba ang nakikita natin dito, mga kapatid at mga kaibigan? May malaking grupo ng mga tao — iba't ibang lahi, iba't ibang bansa — pero lahat sila nakangiti. Nakatayo sila sa ilalim ng gintong mga ulap. At tingnan n'yo kung sino ang nakikita nila sa itaas — isang maringal na pigura, naka-glowing na damit, may korona, at nakabukás ang mga kamay. Sino 'yon? Si Jesu-Kristo — ang Hari ng Kaharian ng Diyos.

Natatandaan n'yo ang unang larawan? Mga taong galit, nagmamartsa, naghahanap ng pagbabago. Pero dito — kapayapaan. Kasiyahan. Pagkakaisa. Iyan ang pagkakaiba ng gobyerno ng tao at ng gobyerno ng Diyos.

Isipin n'yo ang mundong ganito:

Walang gutom — lahat sagana. Wala nang mayaman o mahirap. (Awit 72:16)

Walang discrimination — pantay-pantay ang lahat. Hindi ka iju-judge dahil sa kulay ng balat mo o kung saan ka nanggaling. (Gawa 10:34, 35)

Walang away dahil sa relihiyon — iisa ang pagsamba. Ang lahat ay magkakaisa sa pagsamba kay Jehova. (Isaias 11:9)

At walang broken family — kapayapaan sa bawat tahanan.

Salamat po sa picture.

Sino ba ang ayaw na mabuhay sa mundong ganito? Hindi 'yan panaginip. Pangako 'yan ng Diyos na Jehova.

Pero paano naman tayo ngayon habang hinihintay natin ang Kaharian? Paano mo mahaharap ang kawalang-katarungan ngayon?


4 — Paano mo mahaharap ang kawalang-katarungan ngayon? [11 minuto]

Ngayon pa lang, puwede ka nang makasumpong ng kaginhawahan sa kabila ng kawalang-katarungan o masamang pagtrato.

Hindi tayo kailangang maghintay nang walang ginagawa. May apat na praktikal na hakbang tayo ngayon. At sa bawat hakbang, tingnan natin kung paano ito mag-aapply sa totoong buhay.


Hakbang 1: Iwasan ang delikadong sitwasyon

UnaAlamin ang mga sitwasyon na malamang na tratuhin ka nang masama at kung posible, iwasan ito.

Kawikaan 22:3

"Nakikita ng matalino ang panganib at nagtatago, Pero tulóy lang ang mga walang karanasan at pinagdurusahan ang epekto nito."

Hindi ito takot. Ito'y karunungan.

Halimbawa: Baka may katrabaho ka na laging nangi-insulto o nanla-lait. Lagi niyang pinaparamdam na mas mababa ka dahil immigrant ka.

Ano ang gagawin mo? Hindi 'yan ibig sabihin na kailangan mong mag-resign agad. Pero kung puwede mong iwasan na magka-shift kasabay niya, o iwasang mag-break kasama niya — gawin mo. Ginagamit mo lang ang karunungang ibinigay ni Jehova.

O baka sa Pilipinas — alam mong may lugar na mapanganib, may area na peligroso kung gabi. Hindi ikaw ang may kasalanan kung may mangyaring masama, pero kung puwede mong iwasan — iwasan mo.

Ang sabi ng Bibliya: ang matalino, nakikita ang panganib. Hindi naghihintay na mangyari bago kumilos.


Hakbang 2: Humingi ng tulong kung kinakailangan

PangalawaKung naging biktima ka, puwede kang humingi ng tulong sa mga nasa awtoridad.

Roma 13:4

"dahil lingkod ito ng Diyos para sa kapakanan mo. Pero kung masama ang ginagawa mo, matakot ka, dahil may kapangyarihan itong magparusa gamit ang espada. Lingkod ito ng Diyos, isang tagapaghiganti para ipakita ang galit sa mga gumagawa ng masama."

Hindi masama ang humingi ng tulong sa pulis o sa korte kung kinakailangan. Hindi tayo pinagbawalan doon.

Halimbawa: Dito sa Canada, kung temporary foreign worker ka at hindi ka binabayaran ng tama, o pinapagtrabaho ka nang labis — may karapatan kang mag-file ng complaint sa Labour Board. Hindi ka ide-deport dahil lang nagrereklamo ka. May batas na nagpoprotekta sa iyo.

Kung sa Pilipinas — kung may iligal na recruitment na nangyari, may DMW at mga ahensya na tutulong sa iyo. Kung may krimen, may karapatan kang lumapit sa awtoridad.

Minsan, natatakot tayo na humingi ng tulong — baka walang mangyari, baka pagtawanan pa tayo. Pero ang sinasabi ng Bibliya: ang awtoridad ay "lingkod ng Diyos para sa kapakanan mo." Gamitin natin ang proteksyong available.


Hakbang 3: Ibuhos ang niloob kay Jehova

Pangatlo — Pero paano kung hindi ka nakakuha ng hustisya? Paano kung nag-file ka ng reklamo pero walang nangyari? Paano kung pakiramdam mo... wala nang pag-asa?

Kung pinagkaitan ka ng hustisya, ibuhos mo ang niloob mo sa Diyos na Jehova.

Buksan po natin ang 1 Pedro kabanata 5, bersikulo 6 at 7. Dito, makikita natin kung gaano nagmamalasakit si Jehova sa atin.

[Basahin ang 1 Pedro 5:6, 7]

1 Pedro 5:6, 7

"Kaya magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, para maitaas niya kayo sa takdang panahon, habang inihahagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa inyo."

Gusto kong ulitin 'yan: "Nagmamalasakit siya sa inyo."

Hindi ka niya kinakalimutan. Hindi niya bina-brush off ang nararamdaman mo. Puwede mong sabihin sa kaniya lahat — ang sakit, ang galit, ang frustration, ang tanong na "Bakit ako?"

Halimbawa: Baka may kapatid dito na nag-apply ng permanent residency — ginawa ang lahat ng tama, sumunod sa proseso — pero ni-reject. O baka nag-trabaho ka nang ilang taon sa isang company, tapos biglang tinanggal ka — walang tamang dahilan. At wala kang magawa. Walang nakinig.

O baka sa pamilya — hindi ka pinanigan ng sarili mong magulang. Ang kapatid mo ang laging tama. Ikaw ang laging mali. At hindi mo ma-explain sa kahit kanino kung gaano 'yon kasakit.

Si Jehova — nakikinig siya. Naiintindihan niya. Hindi ka nag-iisa.

Aaliwin ka niya at papatibayin.

Roma 12:12

"Magsaya kayo dahil sa pag-asa ninyo. Magtiis kayo habang nagdurusa. Magmatiyaga kayo sa pananalangin."

Ang panalangin ay hindi lang ritual. Ito'y koneksyon sa Diyos na nagbibigay ng lakas.

Naisip n'yo na ba 'to? Nasubukan n'yo na bang pumunta sa lugar na walang signal? Kahit simpleng message, hindi mo magawa. Walang connection.

Pero ang panalangin kay Jehova — hindi siya nawawalan ng signal. Kahit nasa pinaka-malalim na problema ka, kahit pakiramdam mo nasa ilalim ka ng dagat — naririnig ka ni Jehova. Walang dead spot sa panalangin.

Kaya kapag nanalangin ka — hindi ka nag-iisa. May nakikinig.

At tandaan: Sa kaniyang itinakdang panahon, paparusahan niya ang masasama.

Roma 12:19

"Huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyang-daan ninyo ang poot; dahil nasusulat: 'Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,' sabi ni Jehova."

Hindi tayo kailangang maghiganti. Si Jehova ang bahalang gumanti. Sa tamang panahon. Sa tamang paraan. At mas magaling siya doon kaysa sa atin.


Hakbang 4: Linangin ang bunga ng espiritu

Pang-apatLinangin ang mga katangiang gaya ng pagtitiis, kabaitan, at pagpipigil sa sarili.

Galacia 5:22, 23

"Pero ang mga katangian na bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang kautusan laban sa ganitong mga bagay."

Alam ko... mahirap 'yan. Kapag nasaktan ka, ang hirap maging mabait. Ang hirap magpigil. Pero ito ang lakas na galing sa espiritu ng Diyos — hindi sa sarili nating kakayahan.

Tutulungan ka ng mga katangiang ito na manatiling kalmado kapag nakakaranas ka ng kawalang-katarungan para maiwasang lumala ang mga bagay-bagay.

Roma 12:17

"Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. Gawin kung ano ang mabuti sa pananaw ng lahat ng tao."

Halimbawa: Dito sa Ontario, may mga kababayan nating naninirahan sa apartment na biglang binigyan ng eviction notice — renoviction ang tawag. Ang landlord, gusto lang palang itaas ang renta.

Nakakainis, hindi ba? Nakakapagalit. At ang natural na reaction — sigawan mo sila, mag-post ka sa social media, gumanti ka.

Pero kapag gumanti ka, lulubha lang ang problema. Baka mas lumala pa ang sitwasyon mo.

Pero kapag nanatili kang kalmado — kumuha ka ng legal advice, kinausalap mo nang maayos ang landlord, ipinakita mong marunong kang makipag-usap — minsan...

Baka gumanda ang pakikitungo nila sa iyo kapag nakita nila ang mabubuti mong katangian.

Roma 12:20, 21

"Kundi 'kung nagugutom ang kaaway mo, pakainin mo siya; kung nauuhaw siya, bigyan mo siya ng maiinom; dahil sa paggawa nito, makapagtutumpok ka ng baga sa ulo niya.' Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama."

Isa pang halimbawa: Sa trabaho, may supervisor ka na parating parinig nang parinig. "Ah, ganyan talaga kayo." "Hindi talaga kayo makakaangat dito."

Ang sakit pakinggan. At ang natural na response — ibalik mo, lumaban ka.

Pero isipin natin: Ano ang nangyayari kapag hindi ka gumanti? Kapag patuloy kang mabait, matiyaga, magaling sa trabaho?

Minsan, ang supervisor na 'yon — siya pa ang magtataka. "Bakit hindi siya nagagalit? Bakit mabait pa rin siya sa akin?" At iyon ang simula ng pagbabago. Hindi dahil sa protesta — kundi dahil sa katangian mo.

Hindi laging ganyan ang resulta. Minsan, hindi talaga magbabago ang tao. Pero kahit hindi sila magbago — ikaw ang nananatiling buo. Hindi ka nasira ng galit. Hindi ka nadala ng sama ng loob.


Maaari kang makasumpong ng kagalakan at kapayapaan ngayon sa kabila ng kawalang-katarungan.

Roma 15:13

"Dahil nagtitiwala kayo sa Diyos, na nagbibigay ng pag-asa, punuin nawa niya ang inyong puso ng kagalakan at kapayapaan, nang sa gayon ay mapuno kayo ng pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu."

Hindi mo kailangang maging miserable habang naghihintay. Puwede kang maging masaya dahil may pag-asa ka.

Ang mga taong walang pag-asa — sila ang pinakamiserable. Pero tayo, may alam tayong darating. May Kaharian na magdadala ng tunay na katarungan.

Patibayin ang pananampalataya mo sa Kaharian ng Diyos — ang magdadala ng tunay na katarungan.


CONCLUSION

Kung may dala-dala kang sakit ngayon dahil sa kawalang-katarungan... gusto kong malaman mong hindi ka nag-iisa.

Nakikinig si Jehova. Nagmamalasakit siya sa iyo.

At balang-araw, tutuparin niya ang kaniyang pangako — isang mundong walang pang-aapi, walang pagtatangi, walang kawalang-katarungan. Ang Kaharian ng Diyos ang magdadala niyan.

Pero habang naghihintay tayo, huwag tayong padaig sa masama.

Tandaan natin ang sinabi sa Roma 12:21:

"Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama."

Iyan ang hamon sa atin ngayong umaga: Magtiwala sa Kaharian. Ibuhos ang niloob kay Jehova. At patuloy na gawin ang mabuti — kahit mahirap, kahit masakit.

Tunay na katarungan — para sa lahat. Malapit na.


SUMMARY

Ang temang Makakamit Pa Kaya Natin ang Tunay na Katarungan? ay sumasagot sa tanong ng bawat taong nasaktan at naghahanap ng hustisya.

Nabubuhay tayo sa isang mundo na punô ng kawalang-katarungan: Mula pa noong panahon ni Solomon — "walang dumadamay" sa mga pinahihirapan. Nagpapatuloy pa rin ito hanggang ngayon.

Hindi ang paghihimagsik ang solusyon: Natural lang na humingi ng tulong, pero mabibigo ang mga pagsisikap ng tao kung walang tulong ng Diyos.

Ang Kaharian ng Diyos ang tunay na solusyon: Si Jesu-Kristo ang Tagapamahala ng Kaharian na magdadala ng "katarungan at katuwiran." Kapag namamahala na ito, mawawala ang pagtatangi, pang-aapi, at kawalang-katarungan.

Ngayon pa lang, puwede na tayong makasumpong ng kaginhawahan: (1) Iwasan ang delikadong sitwasyon (2) Humingi ng tulong sa awtoridad kung kinakailangan (3) Ibuhos ang niloob kay Jehova (4) Linangin ang bunga ng espiritu Sa bawat hakbang — may praktikal na paraan para harapin ang kawalang-katarungan nang hindi nagpapadala sa galit.